Lindol

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Ang pandaigdigang mga episentro ng mga lindol, 1963–1998

Ang lindol ay sanhi ng isang mabilis na paglabas ng enerhiyang seismiko. Madalas, ang mga lindol ay sanhi ng pag-galaw ng fault sa ibabaw na bahagi ng mundo (crust). Ang enerhiyang lumalabas ay sumasanga sa lahat ng direksiyon mula sa kanyang pinanggalingan, ang pokus, sa anyo ng mga seismikong alon. Ang anyo ng mga seismikong alon ay maihahalintulad sa anyo ng payapang tubig na hinulugan ng isang bato. Kahit na ang enerhiya ay mabilis na nababawasan habang ito ay papalayo sa pokus, may mga sensitibong kagamitan na nakatalaga sa iba’t ibang panig ng mundo para itala ang mga pangyayaring may kinalaman sa pagyanig ng lupa.

Ang malakas na enerhiya na nilalabas ng mga atomikong pagsabog o ng mga pagputok ng bulkan ay maaring makapagdulot ng lindol, ngunit ang mga pangyayaring ito ay maituturing na mahina at madalang. Mayroong sapat ng patunay na ang mundo ay hindi isang statik na planeta. Ayon din sa ilang pag-aaral, ang pang-ibabaw na kalatagan ng mundo ay umaangat paminsan-minsan. Patunay dito ang mga ilang sinaunang parte ng kalatagan ng mundo na noon ay nasa mababang lugar na ngayon ay may ilang metro na angat sa pinakamataas na antas ng alon. Sa kabilang banda naman, ay may pagkakataon din na nagkakaroon ng matinding pagbaba ng lupa. Karagdagan sa mga patayong pag-iiba na mga nabanggit ang pagkawala ng pagkakahanay ng mga bakuran o kalsada, at iba pang mga struktura na nagpapakita ng pahalang na paggalaw. Ang mga paggalaw na ito ay karaniwang maikakabit sa malalaking bitak sa pang-ibabaw na kalatagan ng mundo na tinatawag na fault.

Ayon sa mga siyentipikong nag-aaral ng seismolohiya, mayroong mga paraan upang masukat ang laki ng isang lindol – katindihan (Ingles: intensity) at kalakasan (Ingles: magnitude). Ang katindihan ay tumutukoy sa antas ng pinsala sa isang lugar na dulot ng isang lindol. Sa pagkakaroon ng mga seismograpo, naging malinaw ang pagkakaroon ng siyentipikong paraan ng pagsusukat batay sa seismikong talaan sa halip na paggamit ng mga walang katiyakang pansariling taya at opinyon na nakabatay lamang sa pinsala. Ang paraan ng pagsukat na ito ay tinatawag na kalakasan. Ito ay nakabatay sa masusing pagsusuri ng mga datos mga seismikong tala (at iba pang mga pamamaraan) para matantiya ang kabuuang halaga ng enerhiyang inilabas sa pinagmulan ng lindol.

Mga nangyaring lindol[baguhin | baguhin ang batayan]



Agham Ang lathalaing ito na tungkol sa Agham ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.